Ang sarap umibig, ang sarap magmahal. May mga pinagdaraanan mang problema, masaya naman. Marami tayong natututuhan. ‘Pag nagtagal, nagiging eksperto’t sanay na sa mga posibleng mangyari.
Nakakatawang isipin na ang pagmamahal pala ay parang sinanay na natin noong bata pa lamang tayo. Kung malalim na tayong mag-isip noon, tatatak sana sa atin na ang paglalaro, tulad ng takbuhan, patintero at kung ano-ano pa, ay para lang ding pagmamahal. Pinipili natin itong gawin dahil sumasaya tayo. Kahit na minsa’y nadarapa, nasusugatan, nauuntog, ay iiiyak lamang natin dahil sa sakit pero pagkatapos ay ayos na tayo ulit. Parang sa pagmamahal lamang, pinipili nating pumasok sa relasyon dahil sumasaya tayo. Kahit na minsa’y umaasa, naloloko, nasasaktan ay iiiyak lang natin at pagkatapos, okay na ulit. At kapag matagal na natin siyang ginagawa, nagiging magaling na tayo. Alam na natin kung paano ito laruin. Pero kung matagal na, hindi ka pa rin natututo, mag-isip ka na. Kung sa laro nga ay may tinatawag silang balaongga, marahil sa laro ng pag-ibig… ikaw na ‘yon.
Pero tandaan natin na hindi na tayo bata para magkipaglaro sa damdamin ng tao. Maaaring pwedeng ihambing ang pagmamahal sa paglalaro, pero hindi naman ibig sabihin nito na dapat mo ng laruin ang pag-ibig. Dahil ikaw rin sa sarili mo, hindi mo gugustuhing mapaglaruan.