Hindi ako natatakot.

Paalala bago basahin ang nilalaman: Marami talaga tayong napagninilayan na bagay. Naiisip natin at kadalasa’y gusto nating sabihin sa iba. Lalo na sa panahon ngayon… na uso ang Social Networks tulad ng Facebook at Twitter, dito nagagawa ng karamihan ang magsabi ng mga bagay na natutuhan nila. May iba naman na tulad nitong ginagawa ko, ang pagba-blog. Kung matatamaan ka sa mga sinasabi, talo ka. Pero kung mag-iisip ka, lahat naman ng tao’y ginagawa ‘yon. Hindi ako nagpaparinig sa blog na ito bagkos ako’y namamahagi ng mga kaalaman at karanasan na maaaring katulad ng iyo o ng kakilala mo. Pero hindi ko intensyong paringgan ang kung sino man. Makikiraan na lamang sa inyong mga damdamin.

Nakakatawang isipin na kayang ipagmalaki ang henerasyon ngayon dahil sa taglay na talino, diskarte sa buhay, at kakayahang maging mag-isa. Ngunit maipagmamalaki mo pa ba sila kung ang mga resulta naman ng ginagawa nila’y hindi maganda? Tulad na lamang na maraming tao ang nag-iisip na tama sila sa lahat ng diskusyon. Na magsasabi sila ng mga bagay na akala nila’y sila ang dapat kaawaan. May mga istoryang maririnig mo na sila ang bida. Sino nga ba ang kayang umamin ng kasalanan nila? Ultimo mga lasing nga’y ayaw umamin na may tama na sila kahit halata mo na. Ano pa ang taong kayang gumawa ng sarili niyang bersyon ng istorya? Matalino ngunit hindi nakabubuti. Ang mga taong kayang umamin ay ang mga taong hindi isip bata. Sila ‘yung mga taong malawak mag-isip at hindi tinitignan ang bagay sa narinig, o nakita lamang, ngunit may kasamang obserbasyon para may patunay naman sa kongklusyon nila. Ano pa bang mas isip bata sa mga bida ng istorya na ‘yan? Edi ‘yung mga taong naniniwala agad. Sila ‘yung mga one-sided na tao. Madaling paikutin ng magaling magpa-ikot. Ang hindi pa maganda ay ang pagsawsaw nila. Dito sa mga tao na ‘to nag-uugat ang pagbigat ng problema, dahil lumalaki lang sa pangingi-alam nila. Sa panahon pa ngayon ay normal na ang mga taong mapanghusga. ‘Yung hindi ka naman ganoon kakilala ngunit magbibigay ng hindi nakakatuwang mga pananalita laban sa pagkatao ng hinuhusgahan nila. Normal na rin ang mga nagsi-seks. Sa mura nilang edad ay hindi lang mulat kung hindi dilat na dilat na sila sa ganoong bagay. Hindi ba’t maganda pa rin ang tradisyon noon na ang una mong pakikipagtalik ay sa iyong asawa matapos ninyong ikasal? Hindi na nga rin bago na pabata na ng pabata ang mga nagiging Ninong at Ninang dahil kinukuha sila ng kanilang kaibigan na ka-edad lamang nila. Siguro’y hindi na mapigilan ng iba pero sana’y nag-iingat sila. Wala na namang magagawa kung nandyan na, nagiging maganda pa rin naman kung nakasuporta ang ama ng bata at hindi lamang ang ina. Makikita mo naman kung mahal at masaya sila. Hindi ‘yung kadalasa’y mga babae pa ang nagpipilit. Sa panahon din ngayon maraming sitwasyon na ang kaibigan mo pa ang nagiging ugat ng lahat ng problema niyo. Na imbis na walang away, e, dahil sa pagmamayabang pa niya’t pagpi-feeling gwapo’y may mga bagay na siyang nasasabi na hindi maganda at hindi naman totoo. Ang masaklap pa’y hindi ka kayang ipagtanggol.

Matatawa na lamang ako kung manggagalaiti ang mga taong natamaan sa mga nasabi ko. Pero inuulit ko sa nasabi ko sa ‘paalala’ , hindi ako nagpaparinig. Siguro nga’y napaka-raming pagbabago sa panahon ngayon. Napakagulo. Pero kayang ayusin ‘yan. Maaaring pagpapatawad o i-respeto natin ang isa’t isa. Walang taong ginustong maging kakat’wa sa iba, may mga bagay lang talagang nagiging kahinaan nila. Kung may mali kang nagawa, manghingi ka ng tawad. At matuto ring magpatawad. Kung may nakita kang batang ina/ama, mga taong may ibang sexual orientation, at mga kahusga-husgang bagay, hayaan mo na lang. Respetuhin mo sila dahil hindi ka rin naman perpekto. Ayon lang naman ang kailangan natin, e. Respeto sa bawat isa. Hindi ako perpekto. May mga hindi rin ako magandang ugali. May bisyo rin ako. Pero ang pagtrato ko sa ibang tao ay tama. Nirerespeto ko ang lahat at binibigyan ng atensyon. Ganon lang naman dapat, e. Para masaya’t mapayapa lang. Hindi na ako natatakot. Hindi ako natatakot. Hindi na. 🙂